Mangingisda lumusob sa Senado
MANILA, Philippines – Malamang bumagsak ang multi-bilyong industriya ng isda sa bansa dahil sa umiiral na raket sa importasyon.
Ito ang ibinunyag kahapon ng pambansang samahan ng mga mangingisda na anila’y dahilan kung bakit agarang ipatutupad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang tinututulan nilang Republic Act 10654.
Sumugod kahapon sa Senado ang libo-libong kasapi ng Pederasyon ng mga Mangingisda sa Buong Pilipinas, Inc. (PMBPI) mula sa mga baybayin ng Manila Bay at mga karatig na lalawigan upang kalampagin ang pamahalaan at isuspindi ang implementasyon ng batas. Nanawagan sila sa Senado na agad susugan ang mga tinututulang probisyon nito.
Ang RA 10654, na inaasahang ipatutupad ng BFAR sa mga susunod na linggo, ay tinawag ng PMBPI na mapaniil at hindi makatarungan at direkta umanong “sagasa” sa kapakanan ng mga mangingisda, maliliit man o malalaki.
Sa inilunsad na kilos-protesta kahapon ng pederasyong may mahigit isang milyong miyembro sa buong kapuluan ay kanilang pinagtibay ang malawakang “welgang dagat” upang ipadama sa liderato ng “matuwid na daan” ang kanilang pagkadismaya sa umano’y patuloy na pagbabalewala sa kanilang karaingan.
“Sa gagawin naming welgang dagat ay sabay-sabay naming ititiklop ang aming mga lambat at hindi kami mamamalakaya bilang protesta sa pagpupumilit ng BFAR na agarang maipatupad ang RA 10654,” pahayag ni Dr. Mario Pascual, presidente ng PMBPI.
Ayon kay Pascual, “ang pangkalahatang kalalabasan ng tinututulang batas, kapag hindi ito mabago, ay ang pagtigil sa pangingisda ng karamihan sa amin na nangangahulugan ng pagkawala ng sapat na supply ng isda sa mga pamilihan na siyang gustong mangyari ng mga taga-BFAR upang kanilang itulak ang malawakang fish importation galing sa China.”
Matatandaang inihayag mismo ni DA Sec. Proceso Alcala na “sa lalong madaling panahon ay hindi maiiwasang mag-angkat ang bansa ng isdang pang-konsumo sa wet market dahil sa paunti nang paunting huli ng isda ng ating mga mangingisda.”
Ibinunyag naman ng isa pang lider ng pederasyon na sa polisiya ng pag-angkat ng isda, milyon-milyong piso umano ang “nagpapalipat-lipat ng kamay” sa Department of Agriculture bilang suhol o lagay sa pagkuha ng import permit.
- Latest