Track record ni Leni, swak sa VP
MANILA, Philippines – Kung track record ang pagbabatayan, kuwalipikado si Camarines Sur Rep. Leni Robredo bilang vice presidential candidate.
“She has a very good head on her shoulders. She is also a lawyer at walang bahid ang record,” wika ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Binanggit ni Valte na nag-akda si Cong. Leni ng ilang panukala na nagsusulong ng malinis na pamahalaan at paglaban sa katiwalian, kabilang ang Freedom of Information (FOI) bill at Full Disclosure Act.
“‘Yung prinsipyo ni Cong. Leni Robredo ay nahahalata namang naka-align sa prinsipyo ng Pangulo, sa mga prinsipyo ni Secretary Mar Roxas,” sabi ni Valte.
Inanunsiyo na ni Roxas na pormal na niyang inalok si Cong. Leni para maging bise presidente.
Ayon kay Roxas, napili niya si Cong. Leni bilang running mate dahil subok na ito pagdating sa pagtulong sa taumbayan.
“Malawak ang kanyang karanasan sa pagtulong. Hindi niya ginamit ang pagka-abogado para magtrabaho sa mga kompanya. Sa halip, tinulungan niya ang mga mahihirap sa Naga na walang pambayad sa abogado,” wika ni Roxas.
Sinabi naman ni Cong. Leni, pag-iisipan pa niya kung tatanggapin ang alok ni Roxas. Malalaman ang kanyang pinal na desisyon sa Oct. 12.
- Latest