Poe sa resulta ng SWS survey: Nasa tamang direksyon tayo
MANILA, Philippines -- Ikinatuwa ni Sen. Grace Poe ang patuloy na tinatanggap na suporta mula sa publiko matapos muling manguna sa presidential survey ng Social Weather Stations.
Nagpapasalamat si Poe sa "suporta at tiwala" na ibinibigay sa kaniya ng nakararaming Pinoy.
"Mula sa kaibuturan ng aking puso, nagpapasalamat po ako sa sambayanang Filipino para sa kanilang suporta at tiwala," pahayag ng senadora na may 47 percent ratings, mas mataas ng limang puntos noong Hunyo.
"Natutuwa po ako na patuloy na pinahahalagahan ng ating mga kababayan ang ating pagsisikap sa trabaho at ang pamamahalang ating pinaninindigan at isinusulong," dagdag niya.
Isinagawa ang survey nitong Setyembre 2-5 bago ang kaniyang pagdedeklara ng pagtakbo bilang pangulo nitong nakaraang linggo.
Mula nang ipakilala ang sarili bilang independent candidate, napabalitang maraming miyembro ng Liberal Party ang lumipat upang suportahan si Poe at hindi ang standard bearer na si Mar Roxas.
"Ang lumalawak na suporta mula sa taumbayan, na masasalamin sa survey na ito, ay isang apirmasyon na nasa tamang direksyon ang ating nasimulan. Isa itong balidasyon na ang ating mga kababayan ay nakakaugnay sa ating agenda ng pagiging bukas, epektibo, at tapat," wika ni Poe.
Makakasama ni Poe sa kaniyang karera sa 2016 ang kapwa senador at malapit na kaibigan na si Francis Escudero.
Nangako ang senadora na ipagpapatuloy niya ang kaniyang mga nasimulan mula nang maupo sa pwesto noong 2013.
Nanguna si Poe sa survey sa kabila nang kaniyang kinakaharap na isyu tungkol sa kaniyang citizenship.
Isang natalong senatorial candidate ang nagduda kung kwalipikado ba siyang tumakbo dahil sa umano'y hindi niya pagiging tunay na Pilipino.
- Latest