Miriam sa DSWD: Asan ang pera?
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa kanyang mga kasamahang senador ang milyon-milyong donasyon na hindi naibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Maghahain ng isang resolusyon sa Lunes si Santiago base sa ipinalabas na report ng Commission on Audit (COA) na nagsasabing halos kalahating bilyong piso ng donasyon para sa mga biktima ng bagyo ang nakalagak sa mga bank accounts o kaya ay ipinambili ng mga relief goods pero hindi naman naipamahagi.
Sinabi ni Santiago na nabalewala ang layunin ng mga donasyon kung nakatago naman ito sa mga bank accounts ng gobyerno at hindi naipamahagi sa mga biktima.
“The purpose of donations is defeated if funds sit idly in government bank accounts. The DSWD is not only denying disaster victims of much-needed assistance, they are also misusing money from donors and taxpayers,” ani Santiago.
Ayon sa COA, nasa P382.072 milyon halaga mula sa local at foreign donations para sa mga biktima ng Yolanda ang nananatili sa account ng DSWD noong huling bahagi ng 2014. Mayroon ding P141.084 milyong halaga ng hindi naipamahaging food packs na ang iba ay na-expired na.
Kinatigan ni Santiago ang sinabi ng COA na tumanggap ng milyon-milyong donasyon ang DSWD pero hindi naman itinaas ang kanilang “absorptive capacity” lalo na ang warehousing facilities, personnel, available stocks, shelf life at pangangailangan ng mga biktima.
Nais ding silipin ni Santiago ang kabiguan ng DSWD na makuha ang target na pagbibigay ng pabahay sa nasa 468,732 homeless beneficiaries.
Ayon sa COA, nakapagbigay lamang ng pabahay ang ahensiya sa nasa 142,348, na ginastusan nila ng P3 bilyon.
Kasalukuyan pa ring naka-sick leave si Santiago matapos magkaroon ng lung cancer.
- Latest