Walang ‘alternative truth’ kundi antala lang sa hustisya - Solon
MANILA, Philippines - Ikinadismaya ni ACT-CIS Party-List Rep. Samuel “Sir Tsip” Pagdilao ang paglutang ng “alternative truth” sa Mamasapano encounter at sa pagpapatotoo at pagtitiwala rito ng administrasyon.
Sinabi ni Pagdilao na kaduda-duda ang timing nito at tila isa itong atrasadong pagkilos para patagalin at pahabain pa ng Department of Justice (DOJ) ang pagresolba sa imbestigasyon sa Mamasapano na ipinangako na nila, limang buwan na ang nakalilipas.
Ayon kay Pagdilao, matindi na ang hiyaw ng publiko at ng mga pamilyang naiwan ng SAF 44 na naghahangad ng katotohanan at hustisya.
Ngayong nalalapit na ang deadline, may lumabas namang bagong bersyon sa kuwento.
Reaksyon dito ni Pagdilao, hindi na ito bago sa ating pandinig at matagal na rin itong napag-uusapan sa gitna ng imbestigasyon sa Mamasapano.
Dagdag pa ni Pagdilao na dating director ng PNP-CIDG, kaduda-duda rin na nagmula sa ulat ng MILF ang impormasyong ito. Naging bahagi ng masaker ang MILF at maaaring madawit sila sa mga isasampang kaso ng DOJ dahil na rin sa kawalan ng naiprisintang porensikong batayan ang MILF ukol sa mga naging findings nito sa fatal wounds, trajectory, at iba pa, at dahil dito, magiging mahirap na bigyan ito ng kaukulang bigat.
Idinagdag pa ni Pagdilao, iisa lamang ang mukha ng katotohanan, kung sinuman ang nais na humamon sa mga naging resulta ng imbestigasyon ng BOI at ng iba pang grupo, dapat ay makapagprisinta sila ng kapani-paniwalang mga testigo at makatotohanan ang ebidensiya na makapagpapatunay ng partisipasyon ng SAF sa pagpapatumba sa teroristang si Marwan.
Kung ngayon pa lamang ilalantad ang isyung ito, magdudulot na ito ng dagdag na pasakit at parusa sa morale ng PNP, SAF troopers, mga pamilyang naiwan ng SAF 44, pati na ng mga taong piniling panatilihin ang alaala ng SAF bilang mga magigiting na tagapagtanggol ng kapayapaan at kaayusan ng lipunan.
- Latest