Botohan sa mall pinag-aaralan na
MANILA, Philippines – Upang maiwasan ang anumang pagsisiksikan sa mga polling precinct, nais ng Commisison on Elections (Comelec) na sa mall na lang bumoto ang nasa limang milyong botante para ‘di maging pahirapan ang pagboto sa public schools.
Sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista, sa katapusan ng buwan itinakda ang pagsusumite ng layout ng magiging setup ng polling precinct at sa Nobyembre hanggang Disyembre tutukuyin ang dalawang mall na pagdarausan ng halalan.
Pero nilinaw ni Bautista na dadaan pa sa pagdinig ang panukalang ito kasama ang iba’t ibang sektor at may Comelec resolution pang dapat maipasa bago ito maipatupad.
Hanggat maaari ay nais ng Comelec na libre ang pagpapagamit ng malls tulad ng nangyari sa voters registration.
Tiniyak ng Comelec na magiging mahigpit sila sa pakikipagkasundo sa mga may-ari ng malls sakaling matuloy ang panukalang mall voting.
Bagamat 84 percent ang naging approval rating ng pagboto sa mga mall, naiparating na aniya sa kanila ang ilang negatibong reaksyon hinggil dito, kabilang diyan ang akusasyong hinahaluan ng komersyalismo ang halalan.
Kaya ilan sa mga pag-uusapan ay kung papayagan ba ng Comelec na lagyan ng logo ng mall ang voting booth o ng mga patalastas.
May booth na nakatayo ang boboto habang may booth naman na pwedeng umupo ang botante para sa PWD at nakatatanda.
Burado na sa listahan ng Comelec ang opsyon na gamitin ang mga mall na pagmamay-ari ng kandidato o kanilang pamilya o tagasuporta dahil ipinagbabawal ito sa Omnibus Election Code.
- Latest