Murder vs 8 pulis sa Atimonan rubout pinagtibay ng CA
MANILA, Philippines - Pinagtibay ng Court of Appeals ang kasong multiple murder na isinampa laban sa walong pulis na kabilang sa 13 sangkot sa Atimonan rubout noong Enero 2013 sa lalawigan ng Quezon.
Ito’y matapos na ibasura ng CA ang petition na inihain ng walo na idismis ang kaso laban sa kanila na nakasampa ngayon sa Department of Justice.
Ayon sa CA, wala silang nakikitang pagmamaniobra o grave abuse of discretion sa DOJ nang sampahan sila ng kasi matapos ang ilang matibay na ebidensiya.
Umaabot sa 13 pulis kabilang na si Supt. Hansel Marantan ang nahaharap ngayon sa kaso matapos ang madugong shooting incident na ikinamatay ng 13 katao.
Si Marantan ang ground commander nang isagawa ang operasyon laban sa umano’y mga miyembro ng gun-for-hire group.
Subalit lumilitaw sa imbestigasyon na ang kaso ay malinaw na rubout dahil pinagbabaril umano ang biktima bunsod na rin ng away ng mga biktima at operator ng “video karera” sa Laguna.
Abril 2014 nang iutos ang pagdismis sa serbisyo laban kay Marantan at 12 iba pa.
- Latest