Leila pinagbibitiw
MANILA, Philippines – Posibleng bigyan ng graceful exit ng Malacañang si Justice Secretary Leila de Lima na sinasabing ‘bargain’ ng Iglesia Ni Cristo upang itigil ang kilos-protesta ng INC.
Ilang impormante ang nagsabing malamang na pagbitiwin na ng Malacañang sa puwesto anumang araw mula ngayon si De Lima na kabilang sa senatorial line-up ng Liberal Party (LP).
Magugunitang si De Lima ang isinisigaw ng mga INC na umano’y nakikialam sa panloob na usapin ng isang relihiyon kaugnay sa iniharap na kasong illegal detention ni Minister Isaiah Samson, dating editor-in-chief ng “Pasugo”.
Kaugnay nito, natutuwa naman ang Palasyo sa pagtatapos ng malawakang pagkilos ng mga kapatid sa Iglesia sa Metro Manila at iba’t-ibang panig ng bansa.
Tugon ito ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda matapos ilahad sa publiko ni INC General Evangelist Bro. Bienvenido Santiago na base sa kasunduan ay pinagbigyan ng gubyerno ang kahilingan ng kapatiran.
Nagpapasalamat ang Palasyo sa kautusan ng INC leadership na pauwiin na ang mga miyembro nito mula sa EDSA-Crossing sa Mandaluyong at Department of Justice para maibalik sa normal ang sitwasyon.
Wika pa ni Lacierda, sinikap ng gobyerno na umiral ang lamig ng ulo at diplomasya sa hindi pagkakaintindihan sa nasabing usapin.
Ayaw sabihin ng Malacañang kung ano ang naging kasunduan nito sa INC matapos wakasan ng religious group ang kanilang 5-araw na protesta sa EDSA kahapon.
Pinasisiwalat ng kampo ni Samson kina Pangulong Benigno Aquino at Interior Secretary Mar Roxas ang umano’y nilalaman ng sinasabing kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng INC.
Sa isang pahayag, naglabas ng himutok sina Atty. Trixie Angeles at Atty. Ahmed Paglinawan kung bakit hindi naisama ang kanilang kliyente sa nasabing kasunduan gayong ang pinagmulan ng pagtitipon ay ang reklamong serious illegal detention na inihain ni Samson laban sa mga myembro ng Sanggunian ng INC.
Kaugnay nito, hiniling ni Angeles at Paglinawan kina Aquino at Roxas na maging transparent sa kasunduan.
Dapat umanong sabihin ng dalawang opisyal kung pinagtaksilan, ibinenta o ipinagtanggol nila si Samson sa INC. Anuman anila ang kinahinatnan ng pag-uusap, iginiit ng dalawang abugado na karapatan ng kanilang kliyente na malaman ang kasunduan.
- Latest