Sa pagsuporta sa INC protest: Grace may nilabag?
MANILA, Philippines – Maaaring nilabag umano ni Senador Grace Poe ang batas sa hayagang pagsuporta nito sa mga kilos-protesta ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo laban kay Justice Secretary Leila de Lima.
Ito ang ipinahayag kahapon ni Atty. Trixie Cruz-Angeles na nagsisilbing abogado ng tinanggal na minister ng INC na si Isaiah Samson at pamilya nito.
Pinatutungkulan ni Angeles ang panawagan ni Poe kay de Lima na unahin ang ibang mga kaso kaysa sa complaint for serious illegal detention, harassment, grave threats at coercion na isinampa ng kanyang kliyente.
Ipinahiwatig ni Angeles na, batay sa probisyon ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, isa nang paglabag dito ang pag-uudyok sa DOJ na itigil ang pagharap sa isang criminal complaint.
Inihalimbawa ng abogado ang pahayag ni Poe na bumabatikos sa pagkilos ni de Lima sa kaso ng umano’y pagdukot sa mga ministro ng INC lalo na sa kaso ni Samson.
“Magtataka ka rin, bakit ang tutok doon, samantalang halimbawa ang ibang mga kaso ng gobyerno wala naman silang mga witnesses pa na naka-hold,” patungkol umano ni Poe sa kaso ng INC.
“Siguro mas makakabuti ay humarap siya sa mga tao na nagra-rally, pag mahinahon, at i-eksplika kung ano ba ang sitwasyon, bakit nangyari na gano’n,” sabi ng senadora.
Sa halip, hinikayat ng senadora ang DOJ na mas higit na tutukan ang ibang kaso tulad ng sa Mamasapano.
Sa kasalukuyan, kinakaharap ni Poe sa Senate Electoral Tribunal ang disqualification case laban sa kanya kaugnay ng kuwestyon sa kanyang residency at citizenship noong 2013 elections.
Nagbigay din ng kahalintulad na pahayag si Sen. Francis Escudero na nagbabala pa na ang paghawak ng DOJ sa kaso ay maaaring ipakahulugan na naglabag sa kalayaan sa relihiyon. Napapabalitang tatakbo sa mas mataas na posisyon sina Poe at Escudero sa halalan sa susunod na taon.
Sinabi naman ni Angeles na dapat ipinanawagan nina Poe at Escudero ang pangingibabaw ng batas at paggalang sa legal process sa halip na suportahan ang hakbang na humahadlang sa trabaho ng DOJ sa mga criminal charges.
Dapat anyang ipagpatuloy ng DOJ ang preliminary investigation sa criminal charges na isinampa ni Samson at ng pamilya nito laban sa mga lider ng INC.
- Latest