Tigil pasada kontra Uber ikinasa ng transport groups
MANILA, Philippines – Isang malakihang tigil pasada ang ikinasa ng iba’t ibang transport groups sa pangunguna ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at Allianced of Concerned Transport Organization (ACTO) sa mga susunod na araw upang ipakita ang kanilang pagtutol sa operasyon ng on-line-transport company na Uber na pinayagang patakbuhin ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Binigyang diin ni Piston national President George San Mateo, nadagdag lamang sa matinding daloy ng trapiko ang ginawang pagbibigay ng LTFRB ng pahintulot sa Uber na makapasada.
“Sabi ng LTFRB noon, itigil ang pagbibigay ng franchise sa taxi dahil matindi na ang daloy ng trapiko, pero bakit ngayon, itong mga private cars na Uber ay binigyan ng otorisasyon ng LTFRB na mamasada, di ba malaking panlilinlang yan sa mga tao?” pahayag ni San Mateo.
Sabi pa ni San Mateo dapat ay humanap muna ng paraan ang LTFRB kung paano mababawasan ang problema sa daloy ng trapiko at hindi ang pagdaragdag sa problema sa traffic na pangunahing sakit ng ulo ng mga motorista ngayon.
Anila, hindi lamang Metro Manila ang apektado ng kanilang gagawing tigil pasada kundi maging sa mga probinsiya upang iparating sa pamahalaan ang kanilang sama ng loob sa mga hindi magandang sistema at patakaran ni LTFRB Chairman Winston Ginez.
“Sino ba ang mga lehitimong operator ng mga pampasaherong sasakyan, di ba yung mga vehicle owners na may franchise ang unit, kaya yung mga hindi dilaw ang plaka ay walang karapatan na mamasada,” diin ni de Luna.
Sa ngayon, may mahigit 100 unit na pawang private cars ang miyembro ng Uber na pumapasada sa Metro Manila matapos payagan ng LTFRB kahit wala pang franchise.
- Latest