Kahit may death threat trabaho tuloy pa rin - de Lima
MANILA, Philippines – Ipagpapatuloy pa rin ni Justice Secretary Leila de Lima ang kanyang trabaho sa kabila ng banta ng mga hindi pa nakikilalang grupo sa kanyang buhay.
Ayon sa kampo ni de Lima, hindi natatakot ang kalihim sa mga banta sa kanyang buhay dahil naniniwala ito na nasa wastong landas siya at ginagawa lamang nito ang kanyang trabaho.
“Ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho bilang kalihim ng DOJ dahil nga sa may natanggap na reklamo ang kanyang tanggapan,” ayon sa source na malapit sa kalihim.
Hindi naman binanggit kung sa anong paraan ng pagbabanta ang ginamit pero nag-iingat na rin ang kampo ng kalihim dahil seryoso ang mga pagbabanta.
Nabatid na sunud-sunod ang threat sa buhay ni de Lima matapos na lumutang ang umano’y pakikialam nito sa isyu ng Iglesia ni Cristo (INC).
Inimbestigahan kasi ng DoJ ang reklamong Illegal detention ng isang Isaias Samson, isang lider ng INC laban naman sa Sanggunian ng INC.
Nauna na rin sinabi ni de Lima sa mga panayam na ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho na pairalin ang batas sa ating bansa.
Nitong Huwebes, inilunsad ang pagkilos laban kay de Lima sa kanyang tanggapan sa Padre Faura sa Manila at kumalat din ito sa EDSA Shrine na inaasahang sa Linggo pa magtatapos ang kanilang pagkilos laban sa kalihim.
Inaalam din ng pulisya kung may kinalaman ang pamamaril sa coffe shop ni ABS-CBN broadcaster Anthony Taberna nitong nakaraang Biyernes ng umaga.
Malapit umanong magkamag-anak si Samson at Taberna na miyembro rin ng INC.
- Latest