Osmeña kay Mar: Si Leni na lang
MANILA, Philippines – Sa halip na maghanap ng iba, dapat tutukan na lang ni Interior Secretary Mar Roxas ang panliligaw kay Camarines Sur Rep. Leni Robredo bilang katambal nito sa 2016 elections.
Ito ang payo ni Sen. Serge Osmeña kay Roxas matapos mapabalitang binasted ni Sen. Grace Poe ang panunuyo ng Liberal Party standard bearer para maging bise presidente sa susunod na eleksiyon.
“Masakit mabasted ngunit minsan, mas maganda pang mag-move-on,” wika ni Osmeña.
Ayon kay Osmeña, dapat ibuhos na lang ni Roxas ang atensiyon kay Leni, asawa ng namayapang si Interior Secretary Jessie Robredo.
Bago rito, una nang sinabi ni Sen. Serge na si Robredo ang karapat-dapat na maging bise presidente ni Roxas sa 2016 elections.
“I’ll get Leni Robredo because she’s very saleable, she’s easy to market,” wika ni Osmeña sa isang panayam.
Inilarawan pa ni Osmeña si Leni bilang “daang matuwid na daang matuwid” dahil walang negatibong isyu o katiwalian na maikakabit sa kanyang pangalan.
“Walang ka-issue-issue, talaga yan. I’d pick Leni,” dagdag pa ni Osmeña.
Sa unang dalawang taon niya bilang mambabatas, nakapag-akda si Leni ng 26 panukala habang co-author naman siya ng 108 panukala.
Kabilang sa mahalagang panukala ni Leni ay ang Full Disclosure Bill, na nag-aatas sa mga ahensiya ng pamahalaan na ilabas ang lahat ng kanilang pinansiyal na transaction, budget at iba pang mahalagang dokumento na dapat malaman ng publiko.
Bilang co-author, aktibo ring isinusulong ni Leni ang pagpasa ng Freedom of Information Bill sa Kamara.
- Latest