PNoy tutol sa GMA house arrest
CEBU CITY, Philippines – Nagpahiwatig si Pangulong Benigno Aquino III ng pagtutol sa isinusulong na house arrest kay dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo matapos payagan ng Korte Suprema na magpiyansa si Senador Juan Ponce Enrile dahil sa isyu ng kalusugan at edad nito.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa media interview dito, ang hospital arrest kay Rep. Arroyo ay isa nang pribilehiyo dahil mayroon itong sakit kaya kailangang nasa hospital habang dinidinig ang kanyang plunder case.
“Iyong kay GMA naman, huwag nating kalimutan ‘yung hospital arrest mismo ay isang pribilehiyo. Nasa hospital arrest siya para matiyak na mabibigyan agad siya ng kaukulang lunas na kinakailangan kung sakali,” paliwanag ng Pangulo.
Idinagdag pa niya na hindi na niya kailangang iutos ang pagkontrata sa hakbang ng kampo ni Arroyo na humiling sa korte na payagan itong magpiyansa.
“Ngayon, ‘yung kapag inuwi na ba natin sa bahay ibig sabihin ‘non wala nang isyu sa kalusugan? Kung wala nang isyu sa kalusugan, bakit nasa hospital pa? So I think I’ll have to ask for an update pero the way I understand it, ‘yung lahat nang dapat at puwedeng gawin ginagawa na para i-ensure ‘yung kanyang kalusugan,” giit pa ni Pangulong Aquino.
Naniniwala ang Pangulo na mas dapat manatili sa ospital si CGMA lalo’t maysakit ito upang matugunan agad ang kanyang pangangailangang medical kaysa nasa bahay ito.
- Latest