Leni open mag-VP
MANILA, Philippines – Bukas ang isip ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo sa posibilidad na tumakbo siya bilang bise presidente ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa 2016.
Ito ang nabatid mula kay Senador Serge Osmeña na isa sa masugid na tagasuporta ng Congresswoman kasabay ng pagpapaliwanag na may kakayahan ang kinatawan ng Camarines Sur upang maging bise presidente ng bansa.
Sinabi naman ni Robredo na sa ngayon ay ayaw niyang magsalita ng tapos sa gitna ng lumalakas na panawagang tumakbo siya bilang katambal ni Roxas.
Inilarawan ni Osmeña si Leni bilang “daang matuwid na daang matuwid” dahil walang negatibong isyu o katiwalian na maikakabit sa kanyang pangalan.
Dagdag ni Cong. Leni, “Kapag iniisip ko ngayon, hindi talaga siya option pero mahirap magsabi ng patapos. Iyun yung lesson na nakuha ko nung nawala ang asawa ko. We can never really plan too far ahead,” wika ni Robredo, biyuda ng yumaong Interior Secretary Jesse Robredo.
Kamakailan, inilunsad ng ilang civil society groups at iba’t ibang personalidad, sa pangunguna ng Kaya Natin Movement, ang “Leni Robredo for Vice President Movement.”
Lalo pang lumakas ang ugong na si Leni ang kukuning katambal ni Roxas nang dumalo si Pangulong Aquino at karamihan ng kanyang Gabinete sa paggunita ng ikatlong anibersaryo ng pagkamatay ni Sec. Jesse sa Naga.
Sa nasabing seremonya, pinuri ni Pangulong Aquino si Cong. Leni na tinawag niyang isa sa mga maasahang miyembro ng Kamara.
Kapwa rin nanawagan sina Aquino at Roxas sa taumbayan na panatilihing buhay ang alaala ni Jesse sa pamamagitan ng pagsusulong ng kanyang mga adhikain.
Para naman sa ibang mga supporter, taglay ni Cong. Leni ang kakayahan para maipagpatuloy ang nasimulang kampanya ni Sec. Jesse para sa malinis na pamahalaan at ulirang mga lingkod bayan.
- Latest