Customs binira sa Balikbayan Boxes
MANILA, Philippines – Binatikos din ni Senador Ferdinand Marcos Jr. ang plano ng Bureau of Customs na magsagawa ng random inspection sa mga balikbayan boxes na anya ay isang uri ng pang-aaway sa mga Overseas Filipino Worker.
Sinabi ni Marcos na dapat pangatwiranan ng BOC sa Senado ang plano nito kapag tinalakay na ng Committee of Finance ng mataas na kapulungan ang panukalang badyet ng Customs sa taong 2016.
Sinabi pa ng senador na tataas ang gastusin ng mga OFW sa planong random inspection sa mga balikbayan box at malakas ang posibilidad na mawala ang mga laman ng mga kahon na ito na kanilang ipinapadala sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Nanawagan naman si Buhay party-list Rep. Lito Atienza kay BOC Commissioner Bert Lina na bawiin ang utos nitong buksan at inspeksyuniun ang mga balikbayan boxes dahil masama ang magiging epekto nito sa mga OFW at magtataguyod ng maliliit na katiwalian.
Sinabi pa ni Atienza na hindi dapat ipagkait ni Lina sa mga OFW at sa mga pamilya nito ang kaligayahang dulot ng naturang mga kahon.
Dapat anyang mas tutukan ni Lina ang mga malalaking smuggler at drug dealer kaysa apihin ang mga OFW.
- Latest