Pagpiyansa ni Enrile kinastigo
MANILA, Philippines - Kinastigo ng grupong Karapatan ang pagpabor ng Korte Suprema na makapagpiyansa si Sen. Juan Ponce Enrile sa kaso nitong plunder at graft na may kinalaman sa pork barrel scam kayat nakalalaya na ito ngayon.
Sinabi ni Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan, ang hakbang ay nagpapakita lamang na ang Pilipinas ay isa lamang sa pinaka magandang lugar para sa mga kriminal, plunderers at human rights violators na nagkasala sa batas.
“From Gloria Macapagal Arroyo, to Jovito The Butcher Palparan, to pork barrel senators led by Enrile, all were given special treatment by the Aquino administration, all were not fully made accountable for their crimes vs the people,” pahayag ni Palabay.
Anya, habang patuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng kaluwagan sa mga kilalang tao na nagkakasala sa batas ng Pilipinas, mayroon namang mga taong patuloy na nagdudusa sa kulungan na wala namang kasalanan.
Inihalimbawa dito ni Palabay ang mga political prisoners laluna ang women’s rights activist na si Miradel Torres na kasama ang anak na sanggol sa bilangguan, ang 76-year old na si Gerardo dela Peña na matanda na at halos ka-edad ni Enrile ay nanatiling nasa kulungan dahil lamang sa ginawang pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan.
Binigyang diin ni Palabay na sa Pilipinas, ang mga taong may kapangyarihan at kilala sa bayan kahit may kasalanan ay nabibigyan ng pagkakataon na makalaya mula sa kulungan gayung ang mga maliliit na mamamayan na hindi tanyag sa bayan at walang yaman ay patuloy na ipipiit kahit walang kasalanan.
- Latest