27 SAF survivors nag-alisan na sa elite force
MANILA, Philippines - Nagpalipat na ng assignment ang nasa 27 miyembro ng elite Special Action Force (SAF) kabilang ang 12 nasugatang survivors sa malagim na Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao.
Nabatid kay SAF spokesman Sr. Inspector Jason Baldoz na ang 15 pa ay kasama rin sa Oplan Exodus na masuwerte namang hindi nasugatan sa labanan kontra Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Kabilang sa mga nagsilabas na sa SAF ay si PO2 Christopher Lalan, ang nag-iisang survivor sa 55th SAF Company.
Nilinaw naman ni Baldoz na hindi ito nangangahulugan ng ‘exodus’ sa hanay ng SAF elite forces dahil higit pa ring malaki ang bilang ng nalalabing commandos.
“There’s no exodus … they have just opted to be reassigned to other units of the PNP and besides they have that option to move out after completing at least five years in the SAF service,” giit pa nito.
Nabatid na nasa 200 ang bagong recruits ng SAF na nanumpa noong Hulyo 1 matapos ang mahigit isang taong pagsasanay.
Hindi rin anya gaanong nabibigyan ng pansin ang pag-alis sa SAF ng nasabing 27 elite forces dahil patuloy ang kanilang recruitment at marami ang pumapasok sa SAF.
“We gave way sa mga gusto ng lumabas ng SAF na bigyan naman sila ng pagkakataon na ma-experience nila yung real life ng isang ?policeman sa labas kasi very different po yung trabaho namin sa work ng regular policeman na nasa station,” ayon pa sa opisyal.
Magugunita na noong Enero 25, 2015 ay inilunsad ang Oplan Exodus na ikinasawi ng target na si Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan na napatay sa operasyon pero naging kapalit naman nito ang buhay ng 44 SAF commandos. (Joy Cantos/Trainees Bernanikha Sambrano at Chrisheil Acal)
- Latest