Whistleblowers dismayado sa PDAF probe: Didiretso sa Ombudsman
MANILA, Philippines - Dismayado ang kampo ng whistleblowers sa pagtuldok ng Department of Justice (DOJ) sa imbestigasyon nito ukol sa multi-bilyon pisong Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.
Unang kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Lima na ang mga kinasuhan nila noong nakaraang linggo ang huling batch ng mga mambabatas na dawit umano sa kontrobersiya at wala nang dapat asahang kasunod na mga kasong isasampa ang ahensya.
Kabilang sa 3rd at huling batch na kinasuhan ng DOJ sina Senador Gregorio Honasan at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva dahil umano sa paglalagak ng kanilang PDAF sa mga pekeng non-governmental organization (NGO) ng tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim Napoles.
Binatikos naman ni Atty. Levito Baligod, legal counsel ng PDAF scam whistleblower, ang aniya’y palpak na pamantayan ng DOJ sa pagsasampa ng mga kaso. Sinadya rin anya ng Malakanyang na maudlot nang halos dalawang taon ang ikatlong batch ng mga kaso.
“’Yung third batch po na finile (file) nila, siyam na mambabatas lang po ang nasampahan nila ng kaso. Doon sa siyam, pito ‘yung kalaban nila sa pulitika. ‘Yung iniwan nila, dapat may 20 pa sana na idaragdag d’yan, marami na po silang kaalyado roon,” sabi ni Baligod.
Idinagdag ng abogado na karamihan sa 20 nakalusot mula sa habla ay may malalaking naibulsang kickback mula sa pork barrel scam.
Dahil dito, didiretso ang kampo nina Baligod sa Ombudsman sa susunod na linggo upang maghain ng hiwalay na kaso kaugnay ng anomalya.
“Mayroon naman po tayong hinahawakan na ilang witnesses. Mga dokumento. Sa awa po ng Diyos, baka sa susunod na linggo, maisampa na natin ‘yung iba pa na sangkot sa PDAF scam,” dagdag pa ni Baligod.
- Latest