‘Panloloko’ ng HGC pinalagan ng LP
MANILA, Philippines - Hindi na rin natutuwa ang Liberal Party sa umano’y “pang-aabuso” ng mga opisyal ng Home Guaranty Corporation (HGC) matapos ibisto ni Caloocan Rep. Edgar Erice ang umano’y panloloko ng mga opisyales nito sa mga miyembro ng Kongreso.
Sinabi ni Erice sa isang privilege speech na, bagaman nagpahayag ang HGC na makipagtulungan sa mga mambabatas upang resolbahin ang mga ‘legal property disputes’ ng korporasyon at maisalba ito sa pagkalubog sa mga bilyones nitong pagkakautang, iba naman aniya ang ginagawa ng grupo ni HGC President Manuel Sanchez.
“Heto po. Kopya ng Invitation to Bid na ipinalabas ni HGC Vice President Corporate Services Group Corazon Corpus. Pursigido tayo sa matinong tuusan at kalutasan pero meron para silang malagim na balak. Anong kalokohan ito, Mr. Speaker? Malinaw na harap-harapan tayong niloloko ng Home Guaranty Corporation,” diin ng mambabatas.
Hininala pa ni Erice na ang mga balak na pagbebenta ng HGC sa mga pag-aari nito ay isang ‘express midnight pabaon’ sa mga opisyal nito dahil noon pang Hunyo 30 pormal na natapos ang kani-kanilang mga termino at nasa ‘hold-over capacity’ habang hindi pa naitatalaga ng Malacañang ang kanilang mga kapalit.
Nakagugulat aniya na malamang tumatanggi ang HGC na makipag-ayos sa mga kaso sa kabila ng mga alok upang maibsan ang mga obligasyon nito at magampanan ang mahalagang misyon nito bilang ‘guarantor’ sa mga programang pabahay ng gobyerno.
Batay rin aniya sa datos ng Commission on Audit (COA), mula 2006 hanggang 2012, lubog na ang HGC matapos umabot sa P16.8 bilyon ang pagkakautang habang P3.4 bilyon lang ang halaga ng mga ‘assets’ nito.
Inihalimbawa ni Erice ang alok ng R-II Builders na bayaran ang HGC ng P2.9 bilyon para maayos ang gusot sa ‘Smokey Mountain Development Reclamation Project (SMRDP) sa Tondo, Maynila na aniya ay tinanggihan ng HGC upang maibenta ang lugar sa halagang P1.8 bilyon sa pamamagitan ng ‘public bidding.’
- Latest