Robredo, De Lima kabilang sa listahan ng posibleng tumakbong senador ng LP
MANILA, Philippines — Ilang buwan bago ang pasahan ng certificate of candidacy para sa nalalapit na eleksyon 2016, nagbigay ang isang opisyal ng Liberal Party (LP) ng listahan ng kanilang senatorial bets.
Kabilang sa listahan na inilabas ni LP political and electoral affairs chairman at Cavite Rep. Edgar Erice ay si Camarines Sur Rep. Leni Robredo at Justice Secretary Leila de Lima.
"Ang safe na answer is Sen. (Franklin) Drilon, Sen. (Ralph) Recto, Sen. (TG) Guingona and (Food Security and Agricultural Modernization Secretary) Secretary Kiko (Pangilinan)," pahayag ni Erice sa ABS-CBN News Channel.
Ilan pa sa mga posibleng tumakbo ay sina:
- Technical Education and Skills Development Authority Director General Joel Villanueva
- Former Pangasinan Rep. Rachel Arenas
- Pasig Rep. Roman Romulo
- Former Pampanga Gov. Mark Lapid
- Manila Vice Mayor Isko Moreno
- Metro Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino
- Energy Secretary Carlos Jericho Petilla
- Las Piñas Rep. Mark Villar
Nilinaw naman ni Erice na hindi pa ito ang final lineup at sa susunod na buwan pa nila ito makukumpirma.
"A lot of candidates will be deciding after the ghost month," dagdag niya.
Nasabi noon ni Robredo na kahit isang termino lamang ang napagkasunduan ng kaniyang pamilya ay posibleng muli siyang tumakbo sa kaparehong posisyon.
“I’m not ready to leave my district because it’s still very delicate. Camarines Sur is only starting to change its mindset on how to perceive government officials,” banggit niya.
Si Interior Secretary Mar Roxas pa lamang ang tiyak na kandidato ng LP sa pagkapangulo, habang hinahanapan pa siya ng makakatambal sa pagkabise president.
Patuloy pa rin ang panliligaw ng LP kay Sen. Grace Poe upang makasama ni Roxas, ngunit iginiit ng senadora na hanggang Oktubre pa siya mag-iisip.
- Latest