Drug war sa Taguig umiskor 114 dealers winalis, 5 kulong
MANILA, Philippines - Kung ang mga bagong datos ay isang indikasyon ng tagumpay, seryosong sumusulong ang pamahalaang-lunsod ng Taguig laban sa operasyon ng mga sindikatong nagbebenta ng bawal na gamot sa lunsod.
Ito ay kasunod ng pagkakadakip sa 114 hinihinalang drug trafficker kabilang ang 2nd, 4th, 5th, 7th at 8th “most wanted” sa Top Ten Illegal Drug Target Personalities sa Taguig sa unang hati ng 2015.
Bilang patunay sa ibayong operasyon ng pulisya laban sa droga, nadakip kamakalawa ang 4th “most wanted” sa giyera ng lunsod laban sa bawal na gamot. May 40 gramo ng shabu na halagang P200,000 ang nakumpiska nang madakip si Richard Silvestre at anim pang suspek sa isinagawang police operation.
Tumaas nang halos 70 porsiyento ang bilang ng mga nadakip na suspek sa droga sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon kumpara sa naitala mula Enero hanggang Hunyo ng taong 2014
“Isa itong tagumpay na dapat mabanggit dahil, habang mas maraming pusher ang nakukulong, mas maraming bawal na gamot ang naiaalis sa mga kalsada at hindi na naaabot ng mamamayan lalo na ng ating mga kabataan,” sabi naman ni Taguig Mayor Lani Cayetano.
“Isa itong matapang na paggigiit na matagal na naming paninindigan sa pamahalaang lokal: na walang lugar sa ating pamayanan ang bawal na gamot. Pinupuri ko ang Taguig Police sa kanilang natatanging trabaho,” sabi pa ni Cayetano.
Sinasabi ni Taguig City police chief Senior Supt. Arthus Felix Asis na kabuuang 213.997 grams ng metampethamine hydrochloride o shabu at 37.804 grams ng marijuana ang nakumpiska sa mga isinagawang operasyon ng pulisya sa pagdakip sa mga sangkot sa droga sa unang hati ng taong ito.
“Batid nating lahat kung ano ang nagagawa ng bawal na gamot sa buhay ng ating mga mamamayan at sa tinitirhan nilang pamayanan. Magtulungan tayo para ganap nang masugpo ang problema sa droga,” panawagan ni Cayetano.
Mula nang manungkulan si Cayetano bilang alkalde ng Taguig, pinangunahan niya ang ibayong kampanya laban sa mga sindikato ng bawal na gamot na hinayaang mamayani sa lunsod sa ilalim ng nagdaang mga administrasyon. Bago nahalal na alkalde si Cayetano, nadeklara na ang Taguig bilang isang illegal drugs hotspots.
Mula noon, isa-isang bumagsak ang mga kilalang drug syndicate na ang huli ay ang pagkakadakip kay Silvestre.
- Latest