^

Bansa

SAF 44 burado sa PNP awardees ‘Di binanggit sa speech ni PNoy

Joy Cantos, Rudy Andal - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Tila kinalimutan na ang mga bayaning Special Action Force (SAF) 44 matapos na alisin sila sa listahan ng mga pinarangalan sa 114th Police Service Anniversary sa Camp Crame kahapon.

Ayon sa sentimyento ng ilang PNP officials, miyembro at maging sa pamilya ng SAF 44, hindi na nga isinama sa pinara­ngalan ay hindi man lamang binanggit ni Pangulong Aquino sa kanyang speech ang mga bayaning pulis na nagbuwis ng buhay.

Nabatid na kabilang sa rekomendasyon ni Chief Supt. Ferdinand Yuzon, chairman ng Sub-Committee on Selection of Awardees for the 114th Police Service Anniversary ay ang pagpaparangal sa ilang SAF 44 commandos na highlight dapat ng okasyon.

Sa awarding ceremony ay nakasentro lamang ang mensahe ni Pangu­long Aquino sa mga achievements ng PNP sa ilalim ng Lambat-Sibat program na isinulong ni DILG Sec. Mar Roxas. 

Tumanggap ng para­ngal si Supt. Julius Suriben, Chief of Police ng San Fernando City, Pam­panga sa outstan­ding performance sa pag-oorganisa ng 59 Barangay Police Action Teams (BPATs) at Brgy. Disaster Risk Reduction Management Council.

Si PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong ay tumanggap ng outstanding achievement, si Chief Insp. Wilfredo Valerio Sy, Team Leader ng Central Metro Manila–CIDG sa mahusay na pag-iimbestiga sa krimen na nagbunsod sa pagkakaaresto sa Abu Sayyaf top ranking officer na si Khair Mundos noong Hunyo 11, 2014. 

Subalit isa sa mga nasawing SAF officer na si PO2 Romeo Cempron at Mamasapano survivor Supt. Raymund Train na dapat tumanggap ng highest service medals sa PNP ay tinanggal sa mga awardees sa huling sandali bago ang parangal sa hindi pa maipaliwanag na kadahilanan.

Si Cempron ay dapat tatanggap ng Medal of Valor (posthumous award) habang si Train ay Medalya ng Kabayanihan pero sa program anniversary na ipinalabas ng Malacañang ay natanggal ang pangalan ng mga ito.

Maging ang pinuno ng PNP-Intelligence Group na si Chief Supt. Fernando Mendez Jr., na nagbigay ng intelligence sa inilunsad na Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao ay tinanggal rin sa programa.

Nabatid pa na ang biyuda ni Cempron na si Christine ay inimpormahan na umano na tatanggap ng parangal para sa kaniyang mister noon pang nakalipas na linggo.

Nag-ambagan pa umano ang SAF para sa pamasahe ni Christine at kanyang pamilya mula sa Leyte at maging ang tutuluyang hotel sa Maynila. Binilhan din sila ng SAF ng Filipiniana attire para sa awarding, pero hindi pala sila kasama sa programa.

Sa kaniyang talumpati ay pinapurihan ni PNP Chief P/Director General Ricardo Marquez ang tagumpay ng kapulisan sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa noong Enero 15-19, bumaba na index crimes sa Metro Manila at ang Oplan Lambat Sibat pero hindi rin binanggit ang Oplan Exodus.

Maging mga ordinar­yong pulis ay napuna na hindi pinapurihan ng mga opisyal ang SAF 44.

Nang hingan ng paliwanag si PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, sinabi nito na hindi niya alam kung bakit nakigaya kay PNoy si PNP Chief Marquez na hindi rin binanggit ang kabayanihan ng SAF 44 dahil hindi naman siya ang nagsulat ng talumpati.

ACIRC

ANG

CHIEF

CHIEF P

CHIEF SUPT

HINDI

MGA

NBSP

OPLAN EXODUS

PNP

POLICE SERVICE ANNIVERSARY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with