Quicho kay Trillanes: Paratang dalhin sa SC!
MANILA, Philippines – Ang Korte Suprema ang tamang lugar upang iprisinta ang mga ebidensya at patunayan ni Sen. Antonio Trillanes ang mga matinding paratang nito at alegasyon ng panunuhol laban sa mga mahistrado ng Court of Appeals.
Ayon kay Atty. Rico Quicho, vice presidential spokesman for political concerns, ang banta ni Trillanes ay pagbabalewala sa rules of court at proper conduct na klarong panghihimasok sa pagiging independiyente o malaya ng judicial branch.
“Ang ibig bang sabihin ni Senator Trillanes ay pwede n’yang pagbintangan kahit sino, pero kapag sinabihan ng korte na magpakita siya ng ebidensya, sasabihin niya na natatakot sa seguridad at masisira ang hanapbuhay ng testigo,” ani Quicho.
Giit ni Quicho dapat maging responsable si Trillanes at kailangan siyang managot sa mga hindi patas at impartial na imbestigasyon nito sa Senado.
Kinuwestyon di ng kampo ni VP Binay ang mga pahayag ng Senador na dapat na lamang pagbasehan ang personalidad at track record nito bilang mambabatas at hindi ang ebidensya.
“Paano naman ang dumi at mantsang buong buhay na papasanin ng kanyang mga pinagbibintangan?,” ani Quicho.
Dapat rin umanong managot si Trillanes sa pag-amin nito sa isang media interview na ginamit nito ang lahat ng pamamaraan (not so legal) upang makakalap ng impormasyon upang suportahan ang kanyang mga akusasyon ng bribery sa CA.
Magugunita na inihayag ni Trillanes na may hawak siyang mga ebidensya na nagpapatunay na tumanggap ng milyun-milyong suhol ang mga CA justices kapalit ng pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) na pumipigil sa preventive suspension order kay Makati City Mayor Junjun Binay.
- Latest