Krisel binigyan na ng GMC
MANILA, Philippines - Puwede na ngayong pumasok sa kolehiyo si Krisel Mallari, ang salutatorian na pinigilan sa kanyang speech sa kanilang graduation rites.
Ito’y makaraang maglabas na ang Sto. Niño Parochial School (SNPS) ng Certificate of Good Moral Character (GMC) para kay Mallari.
Sa UST nakatakdang mag-enroll si Mallari matapos siyang makapasa bilang scholar sa accountancy program ng unibersidad, pero hindi siya makapag-enroll dahil ayaw siyang isyuhan ng GMC.
Pero nag-isyu man ng certificate of good moral para kay Mallari ay lumalabas na sumuway muna bago tumugon sa kautusan ng Court of Appeals (CA) ang mga opisyal ng SNPS kaya pinagpapaliwanag nito ang SNPS at ang school registrar na si Yolanda Casero kung bakit hindi sila dapat na patawan ng contempt at arestuhin.
Mayroon lamang 24 oras na ibinigay ang appellate court para sa mga respondent.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Maritonie Resurreccion ng SNPS na kukuwestyunin nila kung saklaw ng korte ang pagpapalabas ng utos sa mga paaralan para makapagbigay ng certificate sa kanilang mag-aaral.
Una nang kinondena ng paaralan ang anila’y pakikialam ng CA sa desisyon nilang huwag bigyan ng GMC si Mallari.
“This will become a precedent kaya kailangan maliwanagan talaga na ‘pag ayaw mo bang mag-issue ng Certificate of Good Moral Character, pwede kang pilitin,” ani Resurreccion.
- Latest