Oil price hike pa ngayong Holy Week
MANILA, Philippines – Umaray na ang libu-libong tsuper at operator ng mga pampasaherong sasakyan sa panibagong oil price hike ngayong Holy Week.
Ayon kay Obet Martin, pangulo ng Pasang Masda, sobra na ang naging pagtaas ng presyo ng gasolina nitong nagdaang araw na umaabot sa P1.05 kada litro at P.048 kada litro sa diesel at ngayo’y may nakaamba pang panibagong taas presyo.
Anya, hindi na makatwiran ang nangyayaring pagtaas na matapos mag-rollback ay ibinabalik naman ngayon ang pagtataas sa presyo ng suplay na mistulang nakakaloko lamang sa taumbayan.
Sinabi ni Martin na mula nang maibaba ang singil sa pasahe sa jeep ng 50 cents o naging P7.50 na lamang ang minimum fare ay hindi sila umalma dahil bumaba naman ang presyo ng gasolina pero makailang araw lamang ay nagkaroon na naman ng pagtaas sa presyo nito.
“Hindi na maganda yan, isa ng uri ng panloloko yan, naibaba mo nga minsan ang presyo ng gasoline at diesel noon tapos ngayon sunud-sunod na naman ang pagtataas sa presyo at masusundan pa ngayong holy week..hindi na maganda yan!” pahayag ni Martin.
Sa kanyang panig, sinabi ni Goerge San Mateo, pangulo ng Piston, hindi na dapat pang maitaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa ngayon dahil hindi pa sila nakakabawi mula sa mga gastusin sa maintenance, spare parts at mga bayarin makaraan ang nagdaang rollback sa presyo ng langis noon.
Dapat anyang gumawa ng paraan ang pamahalaan na makabangon muna ang sector ng transportasyon mula sa mga nagdaang epekto ng pagtaas ng produktong petrolyo bago nila ipatupad ang panibagong oil price hike.
- Latest