PNoy bumuo ng council of leaders para sa BBL
MANILA, Philippines - Isinusulong pa rin ni Pangulong Aquino ang pagkakamit ng kapayapaan sa Mindanao sa paggunita sa isang taong anibersaryo ng Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB).
Inihayag din ni Pangulong Aquino sa kanyang national address kahapon, na bumuo siya ng council of leaders na binubuo nina Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, dating Chief Justice Hilario Davide, businessman Jaime Zobel de Ayala, na silang gagawa ng ulat matapos nilang himayin ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa isang national peace summit.
Wika ni PNoy, nasubukan na ang all-out war sa Mindanao subalit walang napala ang taumbayan dahil hindi ito ang tunay na susi sa kapayapaan sa Mindanao.
Ang national peace summit ang nakikita ng administrasyon na mabisang pamamaraan upang malinawan ang taumbayan sa tunay na adhikain ng BBL na para rin anya sa kabutihan ng susunod na henerasyon.
Aniya, dalawang henerasyon na ang nasayang dahil sa kaguluhan sa Mindanao kaya bigyan natin ng puwang ang kapayapaan.
“Hindi po ako naghahabol ng kapayapaan para lang masabi na may iniwan akong legacy. Ang itinataguyod natin: isang tunay na kapayapaan na tinutugunan ang mga ugat ng problemang nagdulot ng karahasan,” paliwanag pa ng Pangulo.
- Latest