Hirit ni Revilla sa graduation ng anak ibinasura ng Sandiganbayan
MANILA, Philippines - Ibinasura ng Sandiganbayan ang request ni Sen. Bong Revilla na pansamantalang makalabas ng kulungan para makadalo sa graduation ng anak ngayong Sabado.
Ipinaliwanag ng graft court na hindi maituturing na “exceptional circumstance” ang kahilingan ni Revilla na pagdalo sa graduation ng anak na si Ma. Franzel Bautista ngayong Sabado sa De La Salle Zobel sa Ayala Alabang, Muntinlupa mula alas 2:00 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Ayon sa Sandiganbayan 1st Division, napayagan noon si Revilla na makalabas ng kulungan na isang “exceptional circumstances” nang magtungo sa ospital at dalawin ang anak na si Cavite Vice Gov. Jolo Revilla makaraan mabaril ang sarili.
Ayon pa sa anti-graft court, kung papayagan nila si Revilla na makadalo sa graduation ng anak, maaaring maging “bad precedent” ito at ituring na “mockery of the administration of justice.”
Nitong Huwebes, una nang ikinatwiran ng depensa na hindi naman ito para sa senador kundi sa anak nito.
Pero ayon sa Sandiganbayan, hindi partido sa kaso ang anak ni Revilla.
Una naman nang pinagbigyan ng Sandiganbayan 5th Division ang hiling ni Sen. Jinggoy Estrada, kapwa akusado ni Revilla sa kasong plunder sa pork scam, na makadalo sa graduation ng anak.
- Latest