CBCP tutol sa divorce sa Pinas
MANILA, Philippines - Mariin pa ring nanindigan ang Simbahang Katolika laban sa panukalang batas na payagan ang diborsiyo sa bansa at ma-decriminalize o hindi na maparusahan ang masasangkot sa adultery o concubinage.
Pahayag ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Presidente Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, ang mga naturang panukala ay taliwas sa isinusulong ng Konstitusyon na protektahan ang pamilya at ang mga bata.
Nilinaw ni Villegas na bagamat ang Pilipinas na lamang ang bansang walang diborsyo ay hindi naman dahilan ito upang maging ‘apologetic’ ang mga Pinoy.
Hindi rin aniya katwiran na ang diborsyo ay para sa mga pagsasamang wala ng pag-asang maayos pa dahil marami naman aniyang remedyo hinggil dito tulad ng legal separation, annulment at declaration of nullity at batas laban sa karahasan sa mga kababaihan at mga kabataan.
Ayon pa sa CBCP, patunay rin ito na ang dapat lamang pumasok sa pag-aasawa ay ang mga taong may sapat nang edad o kaalaman sa papasuking responsibilidad.
Maaabuso lamang umano ng iilan ang diborsiyo para hindi na ayusin ang pagkakaiba o hindi pagkakasundo ng kanilang asawa.
Sa isyu ng decriminalization sa adultery at concubinage, kung ito ay papayagan, para na ring hinahayaan na lamang ang isang tao na mangalunya at makagawa ng kasalanan.
Mas dapat umanong ayusin ang batas dahil lumalabas na may diskriminasyon sa hindi patas na trato sa mga babae kumpara sa lalaking nagkakasala.
- Latest