Envoy 51 taon kulong
MANILA, Philippines – Hinatulan ng Sandiganbayan na makulong ng 51 taon si dating Philippine Ambassador to Nigeria Masaranga Umpa matapos mapatunayang nagkasala sa tatlong counts ng Malversation of Public Funds na may kinalaman sa maanomalyang paggamit sa Assistance-To-Nationals (ATN) Stand-by Funds na may kabuuang US$ 80,478.80 o halagang P3,749,948.98.
P17 taon ang hatol ng Sandiganbayan sa bawat count ng kaso ni Umpa.
Bukod sa kulong, hindi na rin pinapayagan si Umpa na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Inutos din ng graft court dito na ibalik sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang naturang halaga.
Sa record, noong February 2007, ang Philippine Embassy to Nigeria ay tumanggap ng US$ 95,856.08 para tustusan ang kailangang pondo sa negotiations at repatriation ng 25 Filipino seafarers na na-kidnap sa Port Harcourt at Warri Delta State, Nigeria.
Noong 2008, binuo ng DFA ang Internal Audit Service (IAS) Team para magsagawa ng special audit sa ilang transaksiyon kasama na ang ATN Stand-by Funds. Batay sa pagbusisi mula sa IAS Team, ang mga liquidation documents ay fabricated at ang ilang transaksiyon na pinagkagastusan ni Umpa ay walang dokumento.
Nakita rin ng prosekusyon na ang tunay na nagastos lamang ni Umoa sa ATN Stand by funds ay umaabot sa US$ 15,377.28 at hindi mahigit sa US$ 80,000.
Si Umpa ay nagsilbing Ambassador to Nigeria mula 1996 hanggang 2008 at naging Assemblyman ng Lanao Del Norte.
- Latest