Humoldap, lumason sa MMDA constable, tugis
MANILA, Philippines – Nag-alok kahapon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ng halagang P.1-M pabuya sa sinumang makapagtuturo sa tatlong holdaper na nangholdap at nagpainom ng asido sa isa nilang traffic enforcer na ikinamatay nito sa Caloocan City.
Nais ni Tolentino na kaagad na madakip ang mga suspek na sangkot sa pagkamatay ng biktimang si MMDA Traffic Constable Alfredo Barrios.
Nauna nang iginiit ni Tolentino sa mga awtoridad, na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa hindi makataong sinapit ni traffic constable Barrios.
Kasabay na rin ito ng mariing pagkondina ni Tolentino sa hindi makataong ginawa kay Barrios.
Nabatid na permanenteng kawani at matagal na sa serbisyo si Barrios bilang traffic constable ng MMDA.
Lumitaw sa report, na naganap ang insidente kamakailan lamang, kung saan pauwi na umano si Barrios sa bahay nito sa Brixton, Camarin, Caloocan City nang holdapin ng tatlong kalalakihan.
Hindi pa nakuntento ang mga holdaper ay pinainom pa ito ng asido na ikinamatay nito.
- Latest