Paglikas ng OFWs sa Libya mas nagiging mahirap
MANILA, Philippines – Inamin kahapon ng Malacañang na mas nagiging mahirap ang paglilikas ng mga natitirang overseas Filipino workers sa Libya.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, nahihirapan na ang gobyerno sa pagpapauwi ng mga OFWs dahil na rin sa logistics dahil wala ng mga commercial flights na pumapasok sa Libya kaya nagiging mas mahirap ang paglalabas sa mga OFW.
May natitira pang 4,000 OFWs sa Libya bagaman at noon pang Hulyo 2014 sinimulan ang paglilikas.
“I think our foreign affairs department has been repeatedly making the call kasi mandatory na po ‘yung repatriation natin diyan eh—July 2014 pa po natin sinimulan ‘yan. When the situation in Libya started to become volatile, 13,000 po ‘yung Filipinos nating nandiyan. So far, ang nasa bilang po natin ngayon, 4,000 po ang natitira,” ani Valte.
Paulit-ulit na rin aniya ang panawagan ng gobyerno na umuwi na ang mga OFWs sa Pilipinas lalo pa’t nasa alert level 4 na ang sitwasyon.
Idinagdag ni Valte na dapat isaalang-alang ng mga OFWs ang kanilang kaligtasan at importanteng makabalik sila sa Pilipinas para sa kanilang mga mahal sa buhay.
- Latest