Jeane Napoles nasa Pinas na
MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Bureau of Immigration na nakabalik na sa bansa ang kontrobersyal na anak ni Janet Napoles na pangunahing akusado sa pork barrel scam.
Sa isang press statement, sinabi ni Immigration spokesperson Elaine Tan na batay sa travel records ni Jeane Catherine Napoles, siya ay nasa Pilipinas na.
Pinayagan umano siyang makapasok ng bansa dahil wala namang ligal na batayan para siya ay pagbawalang makabalik sa Pilipinas.
Si Jeane ay naging kontrobersyal dahil sa lumabas na mga video sa internet na siya ay namumuhay nang marangya sa ibang bansa.
Si Jeane Catherine ay nauna nang inirekomenda ng DOJ na masampahan ng kasong tax evasion matapos makitaan ng probable cause ang reklamong inihain ng Bureau of Internal Revenue.
Nabigo umano si Jeane na magsumite ng kanyang income tax return para sa taong 2011 at 2012 gayong nakabili umano siya ng mga ari-arian, kabilang na ang condominium unit sa Ritz Carlton sa California sa Estados Unidos at property sa Bayambang, Pangasinan.
Kaugnay ng kanyang kasong tax evasion, nagpalabas na si Sec. Leila de Lima ng immigration lookout order laban kay Jeane Napoles.
- Latest