COA sa PNP: Depektibong armas ipaliwanag!
MANILA, Philippines – Pinagpapaliwanag ng Commission on Audit (COA) ang Philippine National Police hinggil sa nadiskubreng mga dispalinghadong armas at iba pang equipment ng PNP partikular ang mga kagamitan ng Special Action Force (SAF) na lumaban sa Mamasapano na may kabuuang halagang P3.4 bilyon noong panahon ng nagresign na si PNP Chief Alan Purisima.
Sinasabing ang ilan sa mga armas na ginamit ng SAF commandos na may problema ay ang 40-mm grenades para sa M203 grenade launchers na nalaman nilang depektibo bukod sa hindi magamit ng maayos ang ilang radio communication ng naturang mga pulis.
Sinabi ng COA na batay sa kanilang annual audit report para sa taong 2013, ang PNP national headquarters (NHQ), ang SAF, ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at iba pang police regional offices ay lumabag sa government procurement law dahil sa hindi maayos na pagbili ng mga kagamitan ng pulisya.
Ayon sa COA may depektibo sa PNP procurement program dahil hindi ito nag-comply sa ipinatutupad na batas at patakaran ng Republic Act No. 9184 o ang Government Procurement Act.
Gayunman, hindi naman nilinaw ng COA kung ilang mga depektibong armas at kagamitan ang nabili ng PNP noong panahon ni Purisima.
Sinasabing ilan sa kuwestyonableng transaksiyon ng PNP ay ang ginawang pagbili ng may P91.7-milyong halaga ng kagamitan na walang public bidding na ginawa ang PNP-NHQ, SAF at Police Regional Office (PRO) 13.
Ayon sa COA, ang Camp Crame, NCRPO, SAF at walong Police Regional Offices ay bigo na magsubmit sa kanila ng kopya ng kontrata, purchase orders at work orders para sa P2.2-bilyong halaga ng mga proyekto sa loob ng itinakdang limang araw bukod pa dito ay hindi naipaalam sa COA ng mga opisyal ng PNP sa loob ng 24 oras kung kailan naipadala ang naturang mga kagamitan.
May iregularidad din umano sa 68 na purchase orders para sa P47-milyong halaga ng mga kagamitan na dinala sa Camp Crame.
Ayon sa COA nadiskubre nila na ang ilang police units ay bumili ng mga supplies na may halagang P112 milyon ay kinuha sa mga prbadong suppliers sa halip na idaan ito sa Procurement Service ng Department of Budget and Management.
- Latest