Napeñas pinasaringan ni PNoy sa PMA grad
BAGUIO CITY, Philippines – Pinatamaan ni Pangulong Aquino ang sinibak na SAF chief Getulio Napeñas makaraang purihin nito ang bagitong opisyal ng AFP na matagumpay na nagapi ang mga kalabang New Peoples Army (NPA) noong nakaraang buwan sa Sarangani province.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang mensahe sa PMA graduation rites ng Sinaglahi class kahapon, dapat parisan o tumbasan ng mga ito ang nagawa ng kanilang upper classman na si 2nd Lt. Jerson Sanchez na miyembro ng Siklab-Diwa Class of 2014 na matagumpay na pinamunuan ang kanyang platoon upang magapi ang 30 miyembro ng NPA noong Feb. 16 sa Alabel, Sarangani.
“Hindi naman natin inaasahan na maging dalubhasa agad ang isang baguhan. Kaya nga nakakabilib itong si Lt. Sanchez dahil wala pang isang taon mula nang magtapos siya ay pambihira na ang ipinamalas niyang angking lakas at galing sa pagtupad ng kanyang tungkulin,” wika ni PNoy.
Noong ika-16 ng Pebrero, matapos ang ilang araw ng maigting na pagmanman at estratehikong pagkilos, inatake ng kanyang platoon ang mahigit-kumulang 30 miyembro ng NPA sa Barangay Datal Anggas, Alabel, Sarangani Province.
“Ang talagang kahanga-hanga dito, noong simula ay mas maliit ang kanilang bilang kumpara sa mga kalaban. Pero dahil sa mas mahusay na estratehiya, mas malakas na armas, at mas epektibong paggamit dito ng pangkat ni Lt. Sanchez, nag-atrasan at nagkahiwa-hiwalay ang mga rebelde.
“Walong oras silang tinugis ng ating puwersa. Matapos ang bakbakan, namatay ang pito sa mga rebelde, naiwan ang siyam na high-powered firearms, limang improvised explosive device, at iba pang kagamitan.
“Kitang-kita na talagang nagipit ang kalaban: Alam naman nating hangga’t maaari ay hindi sila nag-iiwan ng bangkay ng kasamahan at ng mahahalagang supplies. Bukod pa rito, may mga naiulat na sugatan, habang labing-isa naman ang sumuko ilang araw matapos ang operasyon,” pahayag pa ng Pangulo.
- Latest