PNoy walang nilabag na chain of command - solon
MANILA, Philippines – Walang nilabag na chain of command si Pangulong Aquino sa nangyaring madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, malinaw umano ang nakasaad sa 1987 Constitution na magkahiwalay ang police force sa armed forces na nagsanib lang noong panahon ng martial law.
Paliwanag ni Evardone, ang chain of command ay konsepto sa military at inaaplay din sa police force noong martial law era dahil ang Integrated National Police (INP) noon ay nasa ilalim at kontrol ng noo’y commander-in-chief na si Pangulong Ferdinand Marcos.
Noong panahon umano ng martial law, ay pinagsama ni Marcos ang Philippine Constabulary sa lahat ng police organizationa sa buong Pilipinas kaya nabuo ang Philippine Constabulary-Integrated National Police (PC-INP) na mahabang panahon namang pinamunuan ni dating pangulong Fidel Ramos hanggang magkaroon ng Edsa revolution.
Subalit sa kasalukuyang constitutional setting, mayroon nang hiwalay na provisions para sa military at police upang mapansin ang paghihiwalay ng mga ito.
Ang Armed Forces ay binubuo ng Army, Air Force at Navy service commands kaya malinaw umano na mayroong isang police force na characterized bilang isang civilian.
Kaya giit ni Evardone ang Pangulo ay hindi “commander in chief” ng PNP dahil ito ay walang commander in chief.
Ito ay dahil sa ang PNP ay bahagi ng civilian government subalit hindi tulad ng ibang civilian department ng mga ahensiya ng gobyerno, ang pangulo ay pinuno ng PNP bilang presidente subalit hindi isang commander in chief.
Ang reaksyon ni Evardone ay kaugnay sa inilabas na report ng PNP-Board of Inquiry na nalabag ng Pangulo ang PNP chain of command sa Mamasapano operation.
- Latest