Acting Bgy. chairman sinuspinde ng 6 mos.
MANILA, Philippines - Isang acting barangay kapitan ang pinatawan ng anim na buwang suspension ng lokal na konseho sa Caloocan city dahil umano sa pag-abuso sa tungkulin.
Sa limang pahinang resolusyon ng Sanguniang Panlunsod sa pangunguna ni Councilor Luis “Chito” Abel na may petsang March 10, 2015, pinatawan ng suspension si Nelson Nazareno, acting chairman ng Brgy. 139, District 1, Caloocan City.
Nag-ugat ang suspension sa reklamo ng isang Rodyric G. Pioquinto, dating tresurero ng nasabing barangay matapos na ipagkait sa kanya ang 3-buwang honorarya.
Sa reklamo ni Pioquinto, ginamit umano ng respondent ang kanyang posisyon para pigilan ang kanyang honorarya mula Mayo, Hunyo at July nang walang anumang batayan o rason.
Sabi pa sa reklamo ni Pioquinto, sa kabila ng paulit-ulit na demand niya sa respondent na ibigay ang kanyang honorarya ay patuloy na tumatanggi ang huli dahilan para idulog na niya ang reklamo sa konseho.
Sa kanyang counter affidavit, itinanggi ni Nazareno ang akusayon na anya’y malisyoso at walang basehan.
Wala anya siyang legal duty o accountability para sa honoraria ni Pioquinto dahil nag-aasume anya siya bilang OIC noong August 2014.
Giit pa ng respondent, ang tanging concerned niyang matugunan ay ang honoraria ng Sanguniang Barangay, tanod at lupon na umano’y pinipigil ng complainant bilang tresurero ng walang anumang rason.
Subalit, matapos ang deliberasyon at pagpapakita ng ebidensya ng magkabilang panig sa ginawang pagdinig ng Sanguniang Panlungsod, ay napatunayang nagkasala si Nazareno kaya pinatawan siya ng anim na buwang suspension ng walang honoraria.
- Latest