Dahil sa umiigting na tensiyon: Bulacan isailalim na sa Comelec control - PCJ
MANILA, Philippines - Ipinapasailalim na ng grupong Philippine Crusader for Justice (PCJ) sa kontrol ng Commission on Eection (Comelec) ang buong lalawigan ng Bulacan.
Ito ay bunga na rin ng umiigting na tensyon doon bunsod ng umano’y walang basehang tangkang pagpigil sa pagsisimula ng malayang proseso ng recall election sa naturang lalawigan.
Nangangamba si Joe Villanueva, convenor ng PCJ na mauwi sa karahasan ang umano’y pananakot sa mga mamamayan na kabilang sa 319,707 registered voters na lumagda sa recall petition laban kay Bulacan Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado.
Ayon kay Villanueva, mayroon umanong kilalang tauhan ang gubernador na sapilitan silang pinagrereklamo para palabasing hindi nila pirma ang lagda sa petisyon kapalit ng isanlibong piso at iba pang pabor sa kapitolyo.
Tinatakot din umano ang mga benepisyaryo sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program – 4Ps na puputulin ang natatanggap na ayuda kapag ‘di binawi ang pinirmahang recall petition.
Sabi pa ni Villanueva, takot na rin ang mga guro na magsilbi bilang election officers sa 107 Comelec validation centers na nasa 21 munisipyo at 3 siyudad ng Bulacan.
Sa impormasyong nakalap ng PCJ, ilang mga guro umano ang hindi makita sa Bulacan matapos gastusan ang out-of-town trip ng mga ito sa Baguio City para maitago sa dapat sana ay unang araw ng verification process ng recall noong March 9, 2015.
Sa ilalim ng Omnibus election code, tanging ang mga election officer at volunteer teachers lamang ang pinapayagang mangasiwa sa mga Comelec validation center sa panahon ng recall election.
Kung sasailalim sa Comelec control ang lalawigan mapapanatili ang kaayusan sa isasagawang verification process na isang mahalagang bahagi ng recall procedure na nakasaad sa Comelec resolution 7505. (Angie dela Cruz)
- Latest