Congress kinalampag sa BBL: Murad, Iqbal mga Malaysian
MANILA, Philippines - Krimeng treason umano kapag pinagtibay ng Kongreso ang Bangsamoro Basic law at napatunayang mga Malaysian at hindi Pilipino ang dalawang mataas na opisyal ng Moro Islamic Liberation Front.
Ito ang babala ni Davao City Congressman Karlo Alexei na nananawagan sa mga kongresistang miyembro ng Ad Hoc Committee on the Bangsamoro Basic Law na tignang mabuti ang alegasyon ni dating Interior and Local Government Secretary Rafael Alunan na kapwa Malaysian sina MILF Chairman Al-Haj Murad Ebrahim at MILF peace panel Chairman Mohagher Iqbal.
Kailangan anyang mabusisi kung talagang mga Pilipino sina Ebrahim at Iqbal bago ipagpatuloy ang pagtalakay sa BBL.
“Maaaring makasuhan ng krimeng treason ang Kongreso dahil sa pagbenta ng soberanya ng bansa sa mga dayuhan. Ayon kay dating Secretary Rafael Alunan, gumagamit ng Malaysian passport at talagang mga Malaysian national sina Murad at Iqbal kapag naglalakbay ang mga ito sa ibang bansa. Dapat itong imbestigahan agad bago pa man ipagpatuloy ang deliberasyon sa BBL,” mungkahi ni Nograles na miyembro rin ng Ad Hoc Committee sa Kamara.
“Kung totoong gumagawa tayo ng BBL law para sa mga Malaysian, tayong mga nasa Kongreso ay nakakagawa ng krimeng treason,” sabi pa ng mambabatas.
Sinabi pa ni Nograles na mas nakabuti ang suhestiyon ni House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte na palawigin ang Ad Hoc Committee on the BBL nang dalawa pang buwan para mapag-aralan ng husto kung mas makakabuti ito sa pambansang interes ng bansa. (Butch Quejada)
- Latest