Buong Makati Council isususpinde
MANILA, Philippines - Pinaplano rin umano ng Ombudsman na isunod nitong suspendihin ang lahat ng miyembro ng konseho ng Makati City.
Ito ang ibinunyag kahapon ni Makati Mayor Jejomar Erwin Binay na naunang sinuspinde ng Ombudsman kaugnay ng isyu sa pagpapagawa sa Building 2 ng Makati City Hall.
Sinabi ni Binay na, kapag nasuspinde na ang lahat ng mga konsehal, magtatalaga ng officer-in-charge sa Makati ang Department of Interior and Local Government (DILG).
Isa anya itong paglapastangan sa kagustuhan ng mga botante ng Makati kapag natuloy ang suspension.
“Dapat respetuhin ang mandato ng nakakarami hindi ang gusto ng iilan,” sabi pa ni Binay na nagdagdag na layunin ng kanyang suspension na mawala siya sa puwesto hanggang halalan sa 2016.
“Gusto nilang suspindihin ako para hindi ko matapos ang termino ko hanggang 2016. Sa pangalawang yugto ng mga suspension, ayon sa aming mga impormante, gusto nilang tanggalin sa puwesto ang lahat ng konsehal na inihalal ng mamamayan ng Makati,” wika ng alkalde.
Kasabay nito, nanawagan ang alkalde kay DILG Secretary Mar Roxas na magpakita ng maturity makaraang ituring ng huli na ‘high school’ maturity ang desisyon ni Binay na kuwestiyunin ang suspension nito.
Muli niyang sinabi na merong pinipili ang DILG sa pagpapatupad ng mga suspension order. Meron anyang mga kaso na hindi ipinapatupad ang mga suspension order laban sa mga miyembro at kaalyado ng makaadministrasyong Liberal Party.
Nauna rito, hiniling ng alkalde sa Court of Appeals na magpalabas ng temporary restraining order laban sa suspension na ipinalabas ng Ombudsman laban sa kanya.
Sinabi pa ni Binay na walang bias ang kautusan dahil sinususpinde siya sa mga aksyon na ginawa sa naunang administrasyon at hindi pa siya alkalde ng lunsod.
- Latest