Junjun Binay: 6 buwan suspensyon pakana ni Mar
MANILA, Philippines – Itinuon ni Makati Mayor Junjun Binay ang sisi sa kanyang suspensyon kay Interior and Local Government secretary Mar Roxas.
Sinabi ni Binay ngayong Miyerkules na pakana ni Roxas ang anim na buwang suspensyon sa kanya ng Office of the Ombudsman upang bigyang daan ang imbestigasyon sa umano'y overpriced na Makati City Hall II.
Dagdag niya na dikit ang special panel of investigators ng Ombudsman at ang mga abogado ni Roxas na sina dating Ombudsman Simeon Marcelo at Nonong Cruz.
“Hindi lang sila mga abugado ni DILG Secretary Mar Roxas. Sila rin ay kilalang mga operator ni Secretary Mar Roxas. Sino ang implementing agency ng aking suspension? Ang DILG na pinamumunuan ni Secretary Roxas,” paratang ni Binay.
Aniya mayroon din silang natatanggap na special treatment sa gobyerno dahil sa bilis ng paghatol sa kanila.
“Talagang may special treatment kaming mga Binay. Special Senate hearing, special COA (Commission on Audit) audit, special panel ng Ombudsman, at ngayon, special express na suspension.”
Naghain na ng petition for certiorari ang alkalde upang maglabas ang Court of Appeals ng temporary restraining order sa kautusan ng Ombudsman.
“We have filed that petition and among the reliefs we are asking for is the issuance of a temporary restraining order. We believe that until such time that our prayer for a temporary restraining order is decided upon, hindi po nila pwedeng alisin si mayor,” wika ng abogado ni Binay na si Claro Certeza.
- Latest