ECC ng golf course sa Lingayen pinababasura
MANILA, Philippines - Hiniling ng isang complainant laban sa ilegal na black sand mining sa Department of Environment and Natural Resources na kanselahin nito ang Environmental Compliance Certificate na ipinalabas sa isang golf course project sa kahabaan ng coastal area sa Lingayen.
Sa liham na ipinadala ni Rolando Rea noong Marso 6, 2015 kay Environment Sec. Ramon Paje, dapat pigilan ang lokal na pamahalaan sa pagtatayo ng nasabing golf course dahil hindi naman kasama sa ipinalabas na ECC ang paglalagay ng tatlong kimometro at anim na talampakang taas ng konkretong pader para sa nasabing golf course.
Mapipigilan aniya ng nasabing pader ang mga residente dito na makapunta sa dagat dito na siyang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan. Maituturing umano itong ilegal. Binigyang-diin nito na dapat isaalang-alang ng provincial government ang mga mamamayan bago itayo ang proyekto nito.
Ang nasabing ECC ay ipinalabas noong Enero 2013 ng lokal na pamahalaan ng Pangasinan sa pamamagitan ni Provincial Administrator Rafael Baraan. Tanging ang paglalagay ng mga tress houses, driving range, irrigation system, lagoons, clubhouse, caddyhouse, maintenance at nursery area ang saklaw ng ECC.
Bukod sa umano’y ilegal na pagtatayo ng nasabing pader, nagtayo rin ang provincial government ng kalsada na hindi na sakop ng lugar na saklaw lang ng nasabing proyekto at ng naturang ECC.
Unang ibinunyag ni Rea ang pagpayag ng provincial government sa dalawang kompanya sa pagsasagawa ng black sand mining sa lugar na pinagtatayuan ng golf course project na nagresulta sa pagkakasibak ni Baraan at Alvin Bigay, opisyal ng Provincial Housing Urban Development Council Office dahil sa grave misconduct.
- Latest