Poe galit, dismayado sa MILF
MANILA, Philippines – Inamin kahapon ni Sen. Grace Poe na dismayado siya at galit sa Moro Islamic Liberation Front dahil sa patuloy ng pagmamatigas na isuko ang mga miyembro nilang sangkot sa pagpatay sa 44 commandos ng Special Action Force.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Poe na lumalabas na hindi kinikilala ng MILF ang jurisdiction ng gobyerno dahil sa pagmamatigas na isuko ang kanilang mga “fighters” na nakasagupa ng SAF noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
“Disappointed. In a way, angered,” ani Poe.
Sinabi rin ni Poe na bagaman at itinuturing na rebeldeng grupo ang MILF pero nakikipag-usap ang mga ito sa gobyerno sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan kaya marapat lamang na nagbigay sila ng ‘investment’ para sa kapayapaan.
Maliwanag naman aniya na hindi na “self defense” ang ginawa ng MILF ng lumusob sa Mamasapano ang SAF upang hulihin si Marwan.
“Kasi, malinaw na malinaw na yung mga soldiers were begging for their lives. Sinasabi nila na “Teka, teka, diba magka-ano tayo dito?” at binaril pa rin nila. So alam nila na yang mga iyan ay parte ng gobyerno, acting on an official capacity. At binaril nila. Talagang dagok iyan sa intensyon nila na magkaroon ng kasunduan,” ani Poe.
Samantala, nakatakdag ilabas ni Poe ang committee report sa isinagawang imbestigasyon sa Mamasapano sa ikatlong linggo ng Marso.
- Latest