Summer job alok ng MMDA sa mga estudyante, out-of-school youth
MANILA, Philippines – Nag-alok ng trabaho ang Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa mga estudyante at out-of-school youth ngayong summer sa ilalim ng Special Program for Employment of Students (SPES).
Mula Marso 23 hanggang Abril 10 ng taong kasalukuyan ay tatanggap ng mga aplikante ang administrative office ng MMDA.
Sinumang estudyante na nais samantalahin ang naturang oportunidad ng SPES, kailangang magprisinta ito ng certified photocopy ng birth certificate at baptismal certificate, na ang edad ay nasa 17 hanggang 25-anyos.
Kapag high school graduate, ang isusumite naman nito ay ang certified photocopy ng Form 138 at ang grado kahit papaano ay nasa 75 at yung mga nasa kolehiyo naman ay magpapakita ng kanilang registration class card na may pasadong grado.
Samantala para naman sa mga out-of-school youth, ang ipiprisinta ay ang certification ng good moral character na inisyu ng awtorisadong opisyal ng barangay.
Kailangang magsumite rin ng certified photocopy ng latest income tax return ng taong 2013 mula sa Bureau of Internal Revenue, kung ang mga magulang ay nagtratrabaho at kumikita ng P138,247 pababa kada taon.
Kung ang magulang naman ay minimum wage earners, magpapakita naman ng certificate of tax exemption na inisyu ng BIR.
- Latest