40K guro kailangan ng DepEd
MANILA, Philippines – Naghahanap ng dagdag na 40,000 guro ang Department of Education (DepEd) para magturo sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at high school sa pagbubukas ng school year 2015-2016 sa bansa.
Ayon kay DepEd Assistant Sec. Tonisito Umali, layunin nilang makamit ang ideal student-to-teacher ratio na 1-guro para sa 45-55 na mag-aaral sa isang classroom.
Paliwanag ni Umali, mismong si DepEd Sec. Armin Luistro ang nagnanais na makamit ang ideyal na ratio para na rin sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Maaaring mag-aplay sa posisyon ang mga bagong graduate na guro pero kailangang nakapasa ang mga ito sa Licensure Examination for Teachers (LET).
Sinabi ni Umali, ang mga ma-hire na guro ay makakatanggap ng basic salary na P18,600.
Sa ngayon ay mayroon lamang 583,812 guro sa bansa na nasa ilalim ng plantilla ng DepEd na nagtuturo sa halos 21-milyong estudyante sa mga pumpublikong elementarya at high school sa bansa.
- Latest