Unity Walk sa SAF 44 ‘di hinaharang - Malacañang
MANILA, Philippines – Mariing itinanggi kahapon ng Malacañang na gumagawa ito ng paraan upang harangin ang Unity Walk para SAF 44 na nakatakdang gawin ngayong araw.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, walang kinalaman ang Palasyo sa ulat na isang Philippine National Police Academy (PNPA) ang nanawagan sa kanilang grupo na huwag ng sumali sa nasabing martsa ng mga alumni.
Sinabi pa ni Valte na dalawang istorya na ang lumabas tungkol sa nasabing panghaharang umano ng Malacañang pero anonymous naman ang mga sources.
Wala rin daw kinalaman ang Malacanang tungkol naman sa isyu ng permit upang makapag-rally.
Ipinagmalaki rin nito na sa ilalim ng Aquino administration, hindi nakialam ang gobyerno sa mga rallies at kinikilala na bahagi ito ng demokrasya.
Pero dapat pa rin aniyang mapagmatyag ang lahat kaugnay sa sinasabing unity walk dahil posibleng may manamantala sa sitwasyon para sa kanilang personal na interes.
“Let us be wary of groups that might be taking advantage of the situation for their own personal motives at hindi naman po talaga para makiramay o makiisa doon sa mga pamilya ng SAF 44,” ani Valte.
Nilinaw naman ni retired Chief Supt. Tomas Rentoy III, chairperson ng PNPA Alumni Association na hindi isang protesta laban sa gobyerno ang kanilang aktibidad kaya hindi imbitado ang mga militanteng grupo at mga ralista.
Linggo ng madaling araw aarangkada ang unity walk mula Dasmariñas, Cavite papuntang Camp Crame sa Quezon City. Mula sa headquarters ng PNP, muling maglalakad ang grupo at lilipat sa kanilang alternatibong venue matapos bawiin ng QC government ang kanilang permit.
- Latest