Request ni Jinggoy inisnab
MANILA, Philippines – Inisnab ng Sandiganbayan 5th division ang mosyon ni suspended Senator Jinggoy Estrada na mapayagan siyang mabusisi niya ang nilalaman ng computer external hard drive ng whistleblower na si Benhur Luy.
Ayon sa graft court, sobrang lawak nang nilalaman ng kahilingan ni Estrada at bigo itong maitakda ang item na nais lamang nitong makita kayat hindi pinayagan ang mambabatas na aprubahan ang kahilingan nito.
Sinasabing ang hard drive ni Luy ay naglalaman ng spreadsheet files, soft copies ng vouchers, receipts, photos at iba pang dokumento na may kinalaman sa transaksiyon ni Janet Lim-Napoles at mga kakutsabang mambabatas sa pekeng NGO nito.
Nasa hard drive din umano ang naging kickbacks ng mga mambabatas tulad ni Estrada kapalit ng paglalaan ng kanilang PDAF sa pekeng NGO ni Napoles.
Naniniwala naman ang graft court na maaari lamang gamitin ni Estrada sa kanyang pagdepensa sa kaso ang anumang makukuhang impormasyon mula sa hard drive ni Luy.
Tinanggihan din ng graft court ang mosyon ni Estrada na mabigyan siya ng prosekusyon ng kopya ng lahat ng dokumento at iba pang mga papeles na gagamitin ng prosekusyon sa mga testimonya ng kanilang mga saksi sa kaso.
Ayon sa Sandiganbayan, hindi pinagbigyan ang kahilingang ito ni Estrada dahil hindi malinaw kung saan niya ito gagamitin at maaaring nais lamang nitong makakuha ng impormasyon kaugnay ng kaso.
Maaari namang makakuha si Estrada ng dokumento ng prosekusyon na namarkahan na sa mga naisagawang preliminary conference noong nagdaang taon.
- Latest