Bong ‘di na hihirit na mabisita muli si Jolo
MANILA, Philippines – Hindi na hihirit pa si suspended Senator Bong Revilla na makalabas muli ng kulungan para mabisita ang anak na si Cavite Vice Gov. Jolo Revilla.
Ito ayon kay Atty. Raymond Fortun, abogado ng pamilya Revilla ay dahil gumaganda na ang kondisyon ni Jolo kayat nagdesisyon sila na huwag nang humiling ulit ng “furlough” sa Sandiganbayan.
Anya, umiiwas din sila sa mga batikos ng ilan na ginagamit ang kalagayan ng anak para makalabas ng kulungan sa PNP Custodial Center sa Kampo Krame.
Sinabi ni Fortun na sapat na umano na nagkita kahapon sa isang emosyunal na tagpo ang mag-ama sa Asian Hospital sa Muntinlupa City.
Hanggang kahapon, sinasabing gumaganda na ang kalagayan ni Jolo makaraang matanggal ang naimbak na dugo sa baga nito.
Samantala, pinayagan ng mga doktor ang hiling ng pamilya ni Jolo na ialis na ito sa intensive care unit (ICU) at ilipat sa isang pribadong kwarto.
Ayon kay Fortun, sa ICU nakuha ng vice governor ang komplikasyong pneumonia sa ibabang bahagi ng kaliwang baga at maobserbahang may hangin sa bandang itaas nito.
Delikado rin anyang manatili sa ICU ang isang pasyenteng mahina ang pangangatawan kung saan ito puwedeng makakuha ng mga mikrobyo.
Sabado inilagay sa ICU ng Asian Hospital si Revilla matapos aksidente umanong maputukan sa dibdib habang nililinis ang kaniyang baril. Inoperahan ito noong Linggo at muling ibinalik sa ICU.
Patuloy na minomonitor ang kondisyon ni Revilla partikular na ang acute abdominal distension o paglaki ng tiyan nito.
Sumalang na sa ikatlong CT scan si Revilla, Martes ng gabi.
- Latest