Bagong terrorist group lumutang
MANILA, Philippines – Ikinabahala kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paglutang ng bagong sibol na teroristang grupo na nakipag-alyansa sa Jemaah Islamiyah (JI) terrorist sa Central Mindanao.
Ayon kay AFP spokesman Col. Restituto Padilla, maaring lumikha ang grupo ng malaking bilang ng mga casualties dahil eksperto ang mga ito sa pambobomba.
Sinabi ni Padilla na ang grupo ay kumalas sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)at nagtayo ng Justice Islamic Movement (JIM).
Ang JIM ay pinamumunuan ngayon ni Commander Tambako na nakipag-alyansa sa Pinoy bomb expert na si Abdul Basit Usman at namonitor na kasamang tumatakbo ng 5 JI terrorist na kinabibilangan ng apat na Indonesian at isang Arabo sa all out offensive ng tropa ng militar sa Mamasapano, Maguindanao kamakailan.
Ang BIFF ang tumiwalag na grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na tutol sa peace talks sa pamahalaan kaya nagsasagawa ng pananabotahe.
Ayon kay Padilla tinutukoy na sa ngayon ng militar ang pagkakakilanlan sa limang dayuhang terorista na unang napabalitang kinakanlong ng BIFF.
Napag-alaman na hindi magawang iwan ng grupo ni Tambako ang grupo ni Usman dahil sa mga ito sila kumukuha ng kaalaman at nagsasanay sa paggawa at pagpapasabog ng mga Improvised Explosive Device (IED).
Samantala, hindi naman malayong makihalubilo ang mga naiwang miyembro ng BIFF sa MILF lalu’t magkakadugo at magkakamag-anak ang mga ito.
- Latest