Hinay-hinay sa BBL
MANILA, Philippines – Pinaghihinay-hinay ni House Defense Committee chairman Rodolfo Biazon ang Kongreso sa pagpapatibay ng Bangsamoro Basic Law (BBL) matapos na magkasundo ang Senado at Kamara na ipasa ito bago ang adjournment sine die sa Hunyo.
Sinabi ni Biazon sa kanyang privilege speech na panahon na para mahinto ang pagbubuwis ng buhay dahil sa digmaan sa Mindanao at pag-aaksaya dito ng resources.
Sa kabuuan umano ay umaabot na sa 150,000 indibidwal ang nasawi sa giyera sa Mindanao at nadagdag pa dito ang 67 napatay kamakailan sa Mamasapano kasama ang SAF 44.
Bukod dito, P3 bilyon din ang nasasayang sa digmaang ito na dapat sanay nagamit sa higit na pangangailangan ng publiko.
Giit pa ni Biazon, nasa kamay ng Kongreso ang bola para mahinto ang ganitong sitwasyon sa pamamagitan ng pagpapatibay ng BBL subalit kailangang pag-ingatan ito.
Ang dapat umano ay tiyakin nilang mambabatas na walang probisyon ng saligang batas ang masasagasaan ng BBL para makalusot ito sa legal scrutiny ng Korte Suprema.
Kailangan din umanong tiyakin na katanggap-tanggap ang BBL sa mayorya ng mga Pilipino at hindi lamang sa mga taga Mindanao.
- Latest