Daliri gamit sa panghoholdap Holdaper arestado
MANILA, Philippines – Timbog ang isang holdaper makaraang holdapin nito ang isang babae na ang gamit ay ang kanyang daliri sa Mandaluyong City, kahapon ng umaga.
Ang biktima na nagharap ng reklamo sa Criminal Investigation Unit ng Mandaluyong police ay nakilalang si Liezel Cundangan, 31, dalaga, nakatira sa Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills, sa lungsod habang nadakip ang suspek na Eric Ferrer, 30, ng No. 140-Riverside, Bgy. Commonwealth, Quezon City.
Ayon sa biktima, ang panghoholdap sa kanya ng suspek ay naganap dakong alas-6 ng umaga habang naglalakad siya sa footbridge sa Edsa sa Bgy. Highway Hills, Mandaluyong City kung saan sumabay umano ito sa kanyang paglalakad at bigla siyang tinutukan sa tagiliran at nagdeklara ng holdap.
Sa takot ng biktima na baka siya ay patayin ay agad nitong ibinigay sa suspek ang kanyang bag na naglalaman ng kanyang cellphone, P3,000 pera at iba pang kagamitan. Kalaunan ay napansin ng dalaga na daliri lamang pala ang pinantutok sa kanya ng suspek kaya siya nagsisigaw ay humingi ng saklolo na agad namang nirespondehan ng security guard na si Rolly Vasquez na siyang dumakip sa suspek.
Nakakulong ngayon sa Mandaluyong City Detention Cell ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong robbery.
- Latest